Taiwan (June 22, 2021)- Lumabas ngayong gabi sa pahayagan na “ETtoday News Cloud” na extended ang Alert level 3 sa Taiwan hanggang July 12, ito’y matapos magpulong ngayong araw ang pamunuan ng Central Epidemic Command Center (CECC), sa pangunguna ni Health Minister Chen Shezhong at ang Executive Yuan ngayong araw.
Ayon sa ulat, tinimbang umano ng Executive Yuan ang magiging epekto ng alert level 3 sa ekonomiya, at sa mga tao. Pero disedido daw ang Executive Yuan na palawigin pa ang alert level hanggang Hulyo 12. Dahil una, Ang buwan ng Hulyo ay simula ng summer vacation, at kung mabubukas sila sa katapusan ng Hunyo ay nangangamba sila na maaring magkaroon ng maraming hawaan dahil may pasok pa sa mga paaralan. Ang pangalawa ay hindi pa “stable” ang sitwasyon sa New Taipei at Taipei City, kung saan mataas pa rin ang bilang ng mga nagpopositibo, at kailangan parehas ang patakaran sa buong bansa para hindi kumalat pa ang COVID-19.
Bukas ng alas 2 ng hapon ay nakatakda umanong opisyal na sabihin sa publiko ang naging desisyon ng Executive Yuan at CECC.