Taiwan (June 23, 2021)- Bahagyang tumaas ang bilang ng nagpositibo sa COVID-19 ngayong araw sa bansang Taiwan kung saan nasa 104 ang naitalang mga bagong kaso base sa inilabas na datus ngayong hapon ng Central Epidemic Command Center (CECC).
Ayon kay Health Minister at CECC Head Chen Shizhong, ngayong araw ay nasa 24 ang naitalang namatay dahil sa COVID-19, at nasa 104 ang mga bagong kaso, pero aniya, kahit Bahagyang tumaas ang bilang kumpara sa nakalipas na dalawang araw ay nanatili pa rin maayos at bumubuti ang sitwasyon sa bansa.
Ngayong araw ay naitala ang mga bagong kaso sa mga lugar ng New Taipei City kung saan nagtala ng 45 na kaso, na sinundan naman ng Taipei City na may 22 na kaso. At ang Kaohsiung City at Hsinchu County ay nagtala ng tig-siyam na kaso, Taouyan City naman ay pito ang naitala, sa Miaoli County ay apat na kaso, Keelung City ay nagtala ng tatlong kaso, Yilan County ay 2 kaso ang naitala. At samantala ang Changhua County, Nantou County, at Pingtung County ay nagtala ng tig-isang kaso.
Base sa datus ng Central Epidemic Command Center, ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa bansa ay umabot na sa 14,260 kung saan nasa 1,166 ay mga imported case. At nasa 13,041 naman ay mga local cases.
Samantala kabuuang bilang ng namatay ay pumalo na sa 599 kung saan 591 dito ay pawang mula sa local cases.