Taiwan (July 19, 2021)- Isang magandang balita ang hatid ngayon hapon ng Central Epidemic Command Center (CECC), dahil binigyan na umano ng emergency use authorization (EUA) para sa COVID-19 ang kumpanyang Medigen Vaccine Biologics Corp. (高端疫苗 MVC) upang makapag-simula ng kanilang produksyon sa bakuna.
Ayon kay Health Minister at CECC head Chen Shih-chung (陳時中), binigyan na umano EUA ng Ministry of Health and Welfare (MOHW) ang kumpanyang Medigen upang gumawa ng maraming bakuna para sa COVID-19. At inaasahang bago matapos ang buwan ng Agosto ay makapagbibigay na ito ng supply pero dedepende pa rin daw ito sa approval ng Advisory Committee on Immunization Practices (ACIP).
kinumpirma naman ni Medigen Executive Vice President Lee Szu-Hsien (李思賢) na ang kanilang kumpanya ay lumagda na kasunduan sa Taiwan’s Centers for Disease Control (CDC) kung saan kasama sa nakapaloob ang dami at delivery schedule na naayon sa regulasyon ng ahensya.
Samantala, sinabi naman ni Medigen CEO Charles Chen (陳燦堅) sa online press conference na inaasahan ng kanilang kumpanya na makapagpalabas ito ng 10 milyong bakuna bago matapos ang taon. Ngunit sinabi rin ni Chen na ang kanilang kumpanya ay nahaharap sa kakulangan ng supply ng raw materials dahil sa taas ng demand sa buong mundo kaya naman ang kanilang gastos ay lalo pang tumaas.
Isang grupo naman ng mga Eksperto ang inorganisa ng Taiwan’s Food and Drug Administration (FDA) at inaral ang effectivity ng nasabing bakuna kumpara sa AztraZeneca at lumalabas na mataas pa ang effectivity rate ng Medigen vaccine. Sa isinagawang phase 2 clinical trial lumalabas na 95.5 % ang efficacy rate ng Medigen vaccine, mas mataas sa standard rate na 50% .
Samantala ang Medigen vaccine ay pwede lamang sa edad 20 pataas at may dalawang doses kung saan ang interval shot ay 28 araw lamang ayon sa approval ng FDA.