Taiwan (June 13, 2021)- Kaso ng COVID-19 sa bansang Taiwan bahagyang bumaba na. Ngayong araw ng Linggo ay nagtala na lamang ng 174 na kaso ng COVID-19 ang bansa base sa datus ng Central Epidemic Command Center (CECC).
Ayon sa ahensya, ngayong araw ay nasa 174 na lokal na kaso ang naitala at isa naman ang imported case. Subalit ngayong araw ay nagtala naman ng 26 na patay base sa inilabas na datus ng ahensya.
Naitala ang mga bagong kaso sa mga lugar ng New Taipei City na meron 81 kaso, sinundan ng Taipei City na may 62 kaso, sa Taoyuan City naman ay 16, sa Keelung City ay 7 kaso, Changhua County ay nagtala ng 4 na kaso, sinundan ng Hsinchu County at Taichung City na tig-dalawang kaso, at sa Hualien County naman ay nagtala ng isang bagong kaso.
Sa kabuuan ay nasa 12,921 na ang mga naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan nasa 11,713 ay local cases at nasa 1,155 naman ay imported. Nasa 36 naman sa Dunmu Fleet, 2 kaso sa Aircraft infection, 1 Unknown case, at nasa 14 ay under investigation pa. At kabuuan naman ng namatay dahil sa COVID-19 ay pumalo na sa 437.