PANIMULA: Sa mundong ating ginagalawan ay parang walang kapayapaan, dahil sa mga nangyayari na ating nasasaksihan at nararanasan. Tayo ay nabubuhay sa magulong mundo kaya hindi natin makamit ang kapayapaang totoo. At kung mayroon man tayong kapayapaan, kadalasan mahirap itong mapanatili. Minsan dumarating sa buhay natin na tayo ay nababalisa, natatakot at nalulumbay dahil sa mga pagsubok at pasanin na ating dinadala. Maraming mga tao ngayon ang naghahanap ng tunay na kapayapaan. Ngunit marami sa atin ay bigong matagpuan ito.

Saan nga ba talaga natin matatagpuan o masusumpungan ang tunay na kapayapaan?

ANG SABI NG KASULATAN

“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot.” -Juan14:27-

●»Ang tunay kapayapaan ay matatagpuan lamang sa may-akda nito.

※Ayon sa talata, nais ng Diyos na magkaroon tayo ng kapayapaan. Kapayapaan na sa kanya lamang natin matatagpuan. Na sa panahon na dumadaan tayo sa matinding pagsubok ng buhay, ipapaalala nito sa atin na hindi tayo dapat mabalisa o matakot na lang sa ating kalagayan, sa halip ay magtiwala tayo na ang Diyos ay may kontrol pa rin sa lahat ng mga bagay na nangyayari sa ating buhay na kahit minsan mahirap itong maunawaan.

●»Palagi nating alalahanin ang pangako ng Diyos na hindi Niya tayo iiwan ni pababayaan sa mga laban natin sa buhay.

Mahihirapan tayong mag-pokus kung palagi tayong takot at balisa. Yung andami-dami nating iniisip na problema na pakiramdam natin ay wala ng solusyon, hindi tayo masisiyahan at hindi natin mapapahalagahan ang kagandahan ng buhay kung lagi tayong takot at balisa o kung walang kapayapaan sa ating mga puso’t isipan.

Kadalasan, dahil sa kawalan natin ng kapayapaang nagmumula sa Diyos, dito tayo nagkakaroon ng mga maling pagpapasya sa buhay.

※Maling desisyon

na humahantong sa maling klase ng pamumuhay. Kaya napakahalaga na mayroon tayong tunay na kapayapaan sa ating mga puso’t isipan. At ito’y  maaari lamang nating makuha kung palagi tayong lumalapit sa presensya ng Diyos. Kapag lagi nating hinahangad ang Kanyang presensya, lagi nating mahahanap ang Kanyang kapayapaan. Kapayapaan na magbibigay sa’tin ng kaliwanagan at kaalaman sa kung ano nga ba ang dapat nating piliin at gawin sa panahon na tayoy nalilito at naguguluhan sa buhay.

ANG TUNAY NA KAPAYAPAAN AY MATATAGPUAN LAMANG SA DIYOS

●»Ang kailangan lang nating gawin para magkaroon ng kapayapaan ay ang manalangin ng buong puso, isuko sa Kanya ang lahat ng ating mga pasanin at hayaan ang Kanyang kapayapaan ang maghari sa ating mga puso at isipan.

 

 

Isang magandang pagninilay at gabay mula kay
† Pastor Anthony  Mabini
OFWs Spiritual Guidance Councilor

Para sa karagdagang impormasyon maari po bisitahin ang kanyang Facebook Page Account https://www.facebook.com/OFWsSpiritualGuidanceCouncilor