Taiwan (June 21, 2021)- Magandang balita dahil ngayong araw ay nagtala lamang ng 75 na mga kaso ng COVID-19 ang bansang Taiwan base sa bagong datus na inilabas ng Central Epidemic Command Center (CECC).
Ayon kay CECC Head at Health Minister Chen Shizhong, ngayong araw ay nagtala lamang ng 75 na lokal na kaso at 20 namang patay. Bagamat mataas pa rin ang bilang ng namamatay, aniya ay bahagyang makakahinga na ang bansa dahil na-stabilized na umano ang sitwasyon, ngunit hindi dapat magpakampanti at dapat maging mahigpit pa rin sa panuntunan ng Health Protocol.
Naitala naman ang mga bagong kaso sa mga lugar ng New Taipei City kung saan meron 38 na kaso, sinundan ng Taipei City na may 22 kaso, Taoyuan City naman ay 5 kaso, Mioali County ay 3 kaso, Keelung City at Taichung City ay nagtala ng 2 kaso. Samantala ang Changhua County, Yunlin County, Kaohsiung City ay nagtala ng tig-isang kaso.
Sa datus ng CECC ay pumalo na sa 14,080 kaso kung saan nasa 1,165 ay pawang imported case at nasa 12,862 naman ang lokal na kaso. At kabuuang bilang ng namatay ay pumalo na sa 569.